|
“What we had was perfect, what we had was true. I loved you completely and so did you. But what we had was over; it’s all in the past. I guess, we just had to accept that good things never last…”
“Ingatan mo ang sarili mo, ha” sabi mo. At iyon ang mga huling salitang narinig ko mula sa 'yo.
“Oo, salamat.” ang mga huling salita na binigkas ko sa harapan mo at isinunod ko ang isang ngiti. Isang pilit at mapait na ngiti.
Tumalikod na ako at iniwan kang tahimik na nakamasid sa dahan-dahan kong pag-alis.
Matagal na tayo, matagal na tayong magkaibigan. Hindi ko na matandaaan kung kailan pa iyon nag-umpisa. Kapwa na lamang nating nagisnan na magkaibigan na tayo. Parang magkapatid. Sa haba ng panahong iyon, marami na tayong napagdaanan. Walang inilihim sa isa’t isa kahit na kailan. Halos lahat ng mahahalagang okasyon sa buhay ko, lagi kang nariyan. Napakaganda ng samahan natin, walang kawangis. Dumaan ang mga araw, buwan at taon. Malaki na tayong dalawa, ngunit hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo natin sa isa’t isa. Pinatibay na siguro ito ng panahon. Sa hindi inaasahang pagkakataon, dumating ang panahong hindi na tayo masyadong nakakapag-usap. Padalang ng padalang hanggang sa tuluyan na itong nawala. Pero hindi mawawala ang isang taong tulad mo sa aking puso, nanatili ka rito. Umabot ito ng mahigit isang taon. Isang mahabang taon. Marahil ay dala ito ng ating pagtanda. Naging abala tayo sa sari-sarili nating buhay, ang buhay kolehiyo.
At dumating ang pinakahihintay na sandali, ang pagkikita nating dalawa. Napakasaya, nakakalunod sa saya. Naparami nang nagbago sa’yo – sa iyong mukha, sa iyong pananamit. Napakakisig mo na. Binata ka na nga. At hindi rin magkamaway ang pagbati mo sa mga pagbabagong naganap sa akin – sa aking kilos at pananalita. Hindi mo na ako kinakitaan ni bahid ng kamusmusan, sabi mo. Iniwan ko na ang pagigig neneng. Ang saya! At sa wakas ay nadugtungang muli ang natulog nating pagkakaibigan…
Isang pangyayari na naman ang dumating sa buhay nating dalawa. “Mahal kita. Matagal na.” ang halos pabulong na mga salitang binigkas mo na nagpabago sa ating mundo. Napatulala ako, nabigla. Pero natuwa ako at napangiti. Isang tunay at matamis na ngiti. Gusto mong umalis n’on, akala mo, hindi ako naniniwala sa’yo at pinagtatawanan kita. Pinigilan kita sa pamamagitan ng paghawak sa iyong braso at sabay sabi ng “’Wag kang umalis. Gusto kita dito. Mahal din kita.” Napatigil ka sa iyong paghakbang. Nilingon mo ako at siniguradong sa akin galing ang mga salitang iyon…
Lagi tayong nagkikita mula noon, ngunit iba na ang pakikitungo natin sa isa’t isa. Mas malalim. Alam na ng lahat ang pagbabago sa ating dalawa. Masaya din sila para sa atin. Walang hadlang. Wala…
Isang buwan na tayo sa ating bagong mundo. “Kelan pa?” tanong ko sa iyo. “Ang alin?” ang malambing mong tanong. “Kelan mo pa naramdaman na mahal mo ‘ko? Gaano na katagal?” ang sabi ko sa iyo. Humarap ka sa akin, ngumiti. “Matagal na, matagal na matagal na. Highschool pa." Nanlaki ang mga mata ko. “Noon pa!?! Bakit…” “Hindi mo lang alam kung gaano na ako katagal nag-iipon ng lakas ng loob para lang masabi ko ‘yon sa’yo. Naihanda ko na rin ang sarili ko sa pagtanggi mo, baka kasi ayaw mo, baka kasi hanggang kaibigan lang talaga ako. Ikaw, kailan pa?” ang sabi mo. Ngumiti ako. Ibinalot ko ang aking mga braso sa iyong baywang at hindi na muling nagsalita. Gusto ko sanang sabihin na “Matagal na rin. Baka nga sabay pa tayo e.” pero hindi ko na ito sinabi, tama nang malaman mo na mahal kita.
Nadagdagan pa ang mga araw. Lagi tayong lumalabas. Lagi tayong magkasama. Lagi-lagi. Paulit-ulit. Paulit-ulit. Oo, paulit-ulit. At dumating ang puntong nagsasawa na ako, pero pinili kong huwag itong ipaalam sa’yo. Sabi ko sa sarili ko, lilipas din ito. Hindi naman ako binigo sa bagay na ito, nalabanan ko ang pagkasawa. Bumalik ang dati kong sigla. Ang akala ko’y hindi mo ito napansin, mali pala ako…
Minsan, hindi maiwasan ang mga simpleng away. Mga away na nadadaan sa konting lambing ngunit hindi tunay na nasosolusyunan. Hanggang sa ang mga ito ay lumala, hindi na natin malaman kung saan ito nagmula, kung ano ang puno nito. Dumaragdag ang sakit sa bawat araw nating pag-aaway. Padagdag ng padagdag, pabigat ng pabigat. Nahihirapan na ako. Hindi ko ito sinabi sa’yo dahil ayaw ko mawala ka. Halos buong buhay ko, kasama na kita. Pero hindi ko na talaga kaya. Mga maliliit at walang kwentang mga bagay na ang pinagtatalunan natin. Hindi ko na matiis, sinabi ko na ito sa’yo. “Mag-usap nga tayo!” ang matigas kong sabi sa’yo. Pinipigil ko ang aking mga luha sa pagpatak. Ayaw kong makita mo ang mga ito. Nilingon mo lamang ako. Walang bahid ng emosyon ang mukha mo. “Ano bang gusto mong mangyari? Gusto mo pa ba ituloy ‘to?” ang tanong ko. Humarap ka at malumanay na sinabing “Ikaw, ano bang gusto mo?” “Ano ba kasing problema natin? Hindi ko maintindihan. Tinatanong kita kung gusto mo pa? Nahihirapan na kasi ako. Sabi mo dati hindi mo ‘ko pahihirapan di ba?” at isinumbat ko sa iyong lahat ang mga bagay na sa tingin kong pagkukulang mo. Inilabas kong lahat ang sama ng loob, ang bigat sa aking dibdib. Pinipigil ko pa rin ang mga luha ko, sa kadahilanang ayaw kong makaramdam ka ng awa. Hindi ko inisip ang damdamin mo.
Sa kaunting liwanag sa silid na nagmula sa sinag ng buwan, nakita kong kumislap ang iyong mga mata. Nangilid ang mga ito sa luha. Hindi pa rin ako natinag sa aking pagmamatigas. “Pwede bang mag-isip muna ako?” ang mahina mong tanong. Hindi ako pumayag. “’Wag na lang kaya…” ang halos pabulong mong tugon. Tumigil bigla ang mundo ko. Masakit, kahit inihanda ko na ang sarili ko sa sagot mong iyon. Hindi pa rin tumulo ang luha ko. “Lagi na kasi kitang nasasaktan. Ako na lang lagi ang dahilan ng pag-iyak mo.” ang pagpapatuloy mo. Sinagot kita, “Kung talagang mahal mo pa ako, hindi mo ako sasaktan!” “Hindi ko naman sinabi na hindi na kita mahal.” Ang pagtatanggol mo sa iyong sarili. “Mahal na mahal nga kita eh! Ang hindi ko lang matanggap ay parang walang kwenta sa’yo ang lahat ng ginagawa ko para sa relasyon natin. Pakiramdam ko, wala akong kwentang tao!” ang dugtong mo pa. Napatigil ako. Masakit dahil totoo. Tumalikod ako sa’yo. Nangilid na rin sa luha ang aking mga mata. “Nagbago ka na kasi. Nasaan na ang dating ikaw?” ang tanong ko sa iyo. Mahina ang iyong tugon, “Hindi ko alam, hindi ko talaga alam…” Huminga ako ng malalim, humarap sa iyo at lakas loob na sinabing “Wala na nga sigurong patutunguhan ang relasyong ito. Marahil, hindi tayo para sa isa’t isa. Salamat sa lahat.” “Ingatan mo ang sarili mo, ha” sabi mo. At iyon ang mga huling salitang narinig ko mula sa’yo. “Oo, salamat.” ang mga huling salita na binigkas ko sa harapan mo at isinunod ko ang isang ngiti. Isang pilit at mapait na ngiti. Tumalikod na ako at iniwan kang tahimik na nakamasid sa dahan-dahan kong pag-alis. Naramdaman ko na lang ang pagtulo ng aking mga luha, at binagtas ang daang nasa aking harapan…
Matapos ang isang buwan, isang mahabang buwan. Dumating ang iyong Mama sa aming bahay. “Iha, pwede ka bang sumama sa akin? Puntahan mo naman siya. Kahapon ka pa niya hinahanap.” ang pakiusap ng iyong Mama. Tatanggi sana ako dahil hindi pa kita kayang harapin, ngunit hinawakan niya ang aking kamay. Nakita kong tumulo ang kanyang mga luha.
Pagdating sa bahay ninyo, tumulo na lamang ang luha ko… Ang bigat. Hindi ko kaya. Sa harap ng salamin, pilit na pinipintahan ko ang aking mukha ng ngiti. Isang pilit at mapait na ngiti. Pagkatapos ang iyong libing, ipinaliwanag sa akin ng iyong Mama na matagal mo nang alam na may sakit ka at may taning na ang iyong buhay. Pinili mo na hindi ito sabihin sa akin. Ayaw mo raw na kaawaan kita. Ang gusto mo raw ay tunay na pagmamahal. Ginawa mo raw ang lahat para maging masaya ako, tayong dalawa bago mo tuluyang lisanin ang mundong ito. Pero binigo kita. Ako pa na matalik mong kaibigan at kaisa-isang babaeng minahal mo ang nagbigay sa iyo ng hapdi at sakit sa huling mga sandali ng iyong buhay. Hindi man lang ako nakahingi sa iyo ng tawad sa mga panunumbat na ginawa ko. Alam ko namang may kasalanan din ako. Ang laking pagkakamali na iniwan kita. Mahal naman kita talaga, hanggang sa mga sandaling ito. Totoong pagmamahal. Pangako, iingatan ko ang sarili ko. Iyon na ang pinakamabuti kong magagawa para sa iyo…
############################
from merlie
|